Sa panulat ni Kapitan
Isang tanong na hindi ko magawang sabihin sa kanya. Na sa bawat araw ay patuloy na dumudurog sa katauhang pinipilit kong buuin. “Nasaan ang taong iyon? Nasaan?
Dagli akong tinawag ni ina sa munting dampang natatakluban ng retaso ng kahoy at yero. Pasigaw niyang ipinaalala sa akin ang pag-igib namin ng tubig sa bahay nina Aling Lumen. Mag-iilang taon na rin kaming nakiki-igib sa matandang babae. May ilang milya din ang layo ng kanilang bahay mula sa amin. Ngunit dala na nga ng pangagailangan ay kinakailangan naming akyatin ang matarik na daan upang makaapak sa kanayunan at makakuha ng inuming tubig.
Akay-akay ako ng makalyong kamay ni ina. Madulas at maputik ang daanan. Nagaalpas pa rin sa alaala ko ang huling igib namin sa matandang babae. Hindi ko na ata nabilang ang mura sa kanyang bibig nang hindi sinasadyang bumulwak ang timba sa kanilang sahig. Kulang pa ang binayad naming barya sa pagkainis ng matanda. Malay ko bang madulas ang sahig? Tigbi-tigbing pawis ni ina habang sinusubukang pakalmahin ang ‘gurang’. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang lakas para lunukin ang kahihiyan, para sa akin. At buong buhay kong pahahalagahan iyon. Ngayon tila nanatili pa rin ang lakas ng loob sa kanyang maaamong mukha. Isa na namang paglalakbay para mabuhay.
Ninais kong pigilan ang aking sarili sa pagaalburuto. Ngunit nadala ako ng bugso ng damdamin, sinabi ko kay ina na pwede namang umigib kami sa ibang bahay, bakit pa kailangang ipagduldulan namin ang aming mga sarili sa magaspang na babaeng iyon? Ngunit sa paalaala na rin niya, tuluyan nang naiga ang kaisipang iyon. Marahil ay ganon na lamang ang pakikisama niya sa matanda kaya’t nakukuha pa naming iharap ang sarili sa kabila ng labis na kahihiyan.
Nadatnan namin ang matanda sa kanilang malaking balkonahe kaumpok ang mga kalaro niya ng ‘madyong’. Masamang tingin ang bati niya sa amin. “Buksan mo na lang ang kuntador” wika niya sa aking ina na ‘di man lang nakuhang tumingin. Ayaw niyang maabala sa kanyang mahalagang laro.
Pinatay ko ang inip sa paghihintay sa aking ina na sa pagkakataong iyon ay pinupuno ang dala naming mga sisidlan. Binibilang ko ang hiyaw ng mga lalaki at ang guhit sa noo ng matandang ale. Gusto kong makisigaw sa pagkatalo niya. Unti-unting naglaho ang ngiti sa kanyang mukha. Hanggang tuluyan siyang nilisan ng kaniyang mga kalaro. Naiwan ang babaeng balisa.
Maya-maya pa’y nakita ko na ang aking inang buhat-buhat ang dalawang galon ng tubig. Sinalubong ko siya upang suungan. Halatang pagal na ang kanyang katawan kaya’t minabuti kong kunin ang ilan pang galong naiwan sa kusina. Dahan-dahan kong tinungo ang kusina ng bahay. Patungo roon ay nakita ko ang katawang nakahimlay sa isang silid, natutulog na ang ‘gurang’. Tila bago sa paningin ko ang loob ng bahay. Noon ko lang iyon nakita nang matagalan. May mga kupas na litrato roon. Nakita ko si Aling Lumen katabi ang isang batang lalaki na tila matagal ko nang nakita sa hindi ko maipaliwanag na pagkakataon, ang kanyang mukha ay kahawig ng isang taong pamilyar sa akin.
Umapaw na ang tubig at lumikha ng ingay mula sa lababo. Madali akong kumilos upang mapanatili ang babae sa pagkakaidlip. Isa na lang lalagyan ang kailangang punuin. Muli ay tinawag ang aking pansin ng kaibahan ng lugar. Wari’y may kung anong saya sa aking damdamin habang nilulubos ang sandali. Natikman ko ang pagkain na sa talang buhay ko ay doon ko lang naranasan. Masarap pala ang tsokolate at ang biskwit na may makukulay na palaman. Sa lubos na kagalakan ay kumuha pa ako ng ilan upang ipasalubong sa aking mga kapatid. Hindi naman niya malalaman! Isang dakot pa ng ilang biskwit…Matutuwa sina ineng.
Walang kaano-ano’y naramdaman ko ang matutulis na kukong pumipisil sa aking tainga. Nahuli ako ng matandang hukluban! Sinubukan kong takasan ang malulupit niyang kamay. Marahan ko siyang naitulak dulot na rin ng labis na takot. Isa, dalawang galon at plastik na puno ng kendi. Bahala na! Patakbo kong nilisan ang kusina ngunit napatid ako ng lamesita. Tumapon ang tubig. Narinig ko ang paos niyang tinig, “Rodolfo! Rodolfo! Bumalik ka nga rito! ‘Wag mong pagurin ang iyong ina!”
Papaano nangyari iyon? Lirato at salamin. Ako at si Rodolfo? Naghihintay kong ina. Takbo! Takbo palayo! Hinila ang aking inang may nakaguhit na malaking tanong sa mukha. “Basta ina! Nababaliw na ang matanda! Hindi niya na alam ang kanyang sinasabi! Ako daw si Rodolfo? Sino ba si Rodolfo?” Hindi siya tumugon bagkus ay hinila niya ako nang mabilis papalayo sa bahay nina Aling Lumen nang may bakas ng pawis, ulan o kung ano man sa kanyang mata.
This comment has been removed by the author.
ReplyDeleteAng kwentong ito ay isinulat ni Gabrielle de la Cruz habang siya ay nagpapraktikum sa isang mataas na paaralan sa Tagaytay bilang guro ng Ingles. Madalas siyang lumagi sa boarding house ng kanyang mga kasamahan at doon ay nakita niya ang hirap ng mag-inang umiigib sa may ari ng bahay na tinitirhan ng kanyang mga kasama. Ang nasabing mag-ina ay nakatira sa dahilig o sa isang matarik at malusong na lugar. Sila ang naging inspirasyon niya sa pagsulat ng akdang ito.
ReplyDelete