Monday, June 3, 2013

Akin ang Paghihiganti ni Telle



Hindi alam ni Niño ang salitang galit. Hindi niya alam ang kadilimang dala nito. Ang alam lamang niya ay ang pakiramdam. Tila ba isa itong malamig na patalim na unti-unting humihiwa sa kanyang puso. Nagpapasikip ng hininga niya. Tumatanggal sa kakayahang makakita ng katwiran ng kaniyang isip. Kapag ang magkapatid na galit at takot ay dumapo-- gaya ng isang itim naparu-paro sa itim na rosas-- wala na siyang ibang nararamdaman kundi ang pagkamanhid, panginginig ng kasukasuan at ang kagustuhang gumamit ng malamig na patalim para bumawi ng buhay.

Ang totoo: takot siya; ngunit ginagamit lang niya ang galit upang pagtakpan ang kahinaan. Tama! Mahina siya. Mahina.

Ang sabi sa banal na bibliya, kasalanan ang galit: wag raw itong papaabutin ng paglubog ng araw. Bakit? Dahil ba nagiging bahagi ito ng kadiliman? At ang kadilimang ito ay nagkakatawang tao na siyang bumabawi sa buhay ng marami? Marahil. Mas maganda siguro kung ganon nga ang mangyari para naman ang nagkatawang taong galit ni Niño ang pumatay--unti-unti, kung puwede sana-- kay Mak. Kay Mak na pinanggalingan ng ideyang huwag papaabutin ng gabi ang galit.

Isinusumpa niya ang lalake dahil sa panghahamak nito sa kaniya. Ewan niya kung ano ang naging motibasyon ng lalake para gawin ito. Dahil ba hindi siya tulad ng ibang bata noong paslit pa lang siya na marunong makiharap sa iba? Hindi niya alam. Pero ang dalawang dekadang panghahamak ay sobra na.

Sa tuwing mapapadaan siya sa harap nito, natatanggap niya ang lahat. Mula sa mapanglait na tingin, sa masasakit na salita, hanggang sa pagdampi ng kamay nito sa ulo niya. Sa pagkakataong iyon ay nadudurog ang kaniyang pagkatao. Ano ba ang nagawa niya?

Tuwing linggo ay nasa chapel si Niño. Tama lang ang pangalan sa debosyon kung tutuusin. Tama lang ang pangalan sa paniniwala. Naniniwala siyang dapat mahalin ang kapwa. Dapat tulungan ang nangangailangan. Dapat ganito; dapat ganyan. Ngunit, iba ang Linggo ng umaga na yon dahil si Mak ang tumayo sa pulpito-- si Kapatid na Mak. Kapatid sa
pananampalataya.


Dumadagundong ang tinig niya sa buong kapilya. Tumulong pa ang aparatong nakasabit sa dingding upang lumakas ang tinig nito. Parang hinasang patalim ang paningin ni Niño dahil sa galit.

Ang tanging kanlungan na lamang niya-- ang nagpapahupa sa bumubulwak niyang galit-- ay ang sinabi ng Dios sa aklat ng Roma: Akin ang paghihiganti; Ako ang gaganti. Masarap pakinggang ang Dios ang aagapay sa isang kaluluwang naaapi. Maraming beses niyang tinitigan ang langit sa paghihintay kung kailan bababa ang kamao ng Dios.

Ang katapusan!

Masarap isiping hindi niya dapat panghawakan ang madilim niyang bahagi. Na maging makasalanan dahil igaganti siya ng Dios.

Ngunit hindi nawawala ang dilim dahil kapag mas malakas ang liwanag, mas maitim ang anino.
~0~

Ngunit sa bawat araw na dumaraan, ang dilim ng puso niya ay lalong umaabante upang sakupin ang kabuuan niya. Ang kaniyang puso ay isang mundong balot ng dapit-hapon, pula at lila dahil sa galit. . . at takot. Kapag nagtagal pa, babalutan na siya ng kadiliman.

Kapag nakakasalubong niya ang taong pinaglalaanan niya ng lahat ng galit at poot, nararamdaman niyang pumupulupot ang kaniyang lamang loob. Aagos ang takot at kasama nito, tatakip ang galit. Mararamdaman niya ang kagustuhang manakit.

"Uy! Yung takot na manok, o." Mag-uumpisa si Mak. Malas pa dahil kasama nito ang mga dimonyito nitong mga alagad, mga kabataang ganon na rin ang taguri sa kaniya dahil sa Satanas ng si Mak.

Tama nga ang tropang galing sa kaharian ng apoy at asupre: isa siyang malaking duwag. Hindi makalaban. Isang manok na tatakbo na lang. At iiyak.

Nakakahiya.

Haharang ang tropa at palilibutan siya.

"Ano? Na-eksersays mo na ba yang pakpak mo, manok?" dali ni butiki, ang lihim niyang taguri.

Sa lihim niyang pagbibinyag sa mga ungas na ito, para na rin siyang nakabawi. Pero. . . nakabawi nga ba? Ngayong amg mga mata niya ay nasa lupa, nakabawi nga ba siya?

"'Wag n'yo masyadong takutin at baka mangitlog yan dito sa takot," sabt ni Kulani.

"'Kow! E, baka nga ngayon e urong na'ng itlog
niyan sa takot," hiyaw ni Satanas.


At papalahaw ang tawanan.

"Putak! Putak! Putak!"

Hindi niya nararamdamang baon na ang kaniyang mga kuko sa kaniyang palad. Manhid na siya dahil sa tinanggap na pang-aalipusta. Hindi na rin niya naramdaman ang pambabatok ni Mak sa kaniya noong naisip ng mga ito na kota na sila para sa araw na yon. Masaya na.

Ni hindi rin niya naramdaman ang mga paa niyang naglakad. Basta naglakad lang ito nang naglakad. Hanggang sa mapatunghay siya. Doon niya nakita ang kapilya at ang scaffold na nakatayo sa paligid nito: isang matandang may saklay kung titingnan. Pula na ito dahil sa paglubog ng araw.

Saka niya narinig ang boses. Nagsimula lamang ito bilang isang ingay na maihahalintulad sa tibok ng puso. Lumalakas. Lumalakas. Ang kanina ay tibok lang ay naging isang tinig sa loob niya: "akin ang paghihiganti; ako ang gaganti."

. . . Paghihiganti. . . 

. . . Gaganti. . .

Tiningnan niya ang stained glass na may hugis ibon.

. . . Paghihiganti. . .

Saka bumaba ang tingin niya sa mga kalat sa harap ng kapilya.

. . . Gaganti. . .

Nabibingi na siya. Nabibingi. . . paghihiganti. . . Gaganti.

Saka niya pinulot ang dos por dos na malapit sa paanan niya.
~0~

Umabante ang gabi gaya ng kaniyang galit. Mula sa puwesto niya-- sa likod ng mga halaman-- parang nakikita niya ang buong mundo. Dahil dito ay nadagdagan ang lakas sa kaniyang ugat. Paulit-ulit ang mga katagang yon sa utak niya na parang isang dasal, dasal na humahasa sa matalim niyang paniniwalang tama ang ginagawa niya.
Akin ang paghihiganti. . . Akin ang paghihiganti. . . Akin ang paghihiganti.

Pinunit ng ilaw ng poste ang tela ng kadiliman na tumatakip sa mundo. Tumayo sa punit na ito si Mak, naghihintay ng sasakyang magdadala sa kaniya sa trabaho. Night shift na naman siya. Bwisit! Wala pa ring matinong bus na masakyan. Napaisip tuloy siya kung strike ba ng mga bus driver ngayon. 'Pag na-late siya. . .

Parang isang mangangasong sabik sa pagpatay, tahimik na kumilos si Niño. Walang gaanong tunog na ginagawa ang paa niya at lupa. Parang lahat ay umaayon sa kaniya; parang umaayon din ang Dios sa nair niyang mangyari. Dito na matatapos ang kawalan ng kwenta ng taong kinamumuhian niya.

Tila ba may mali, ramdam ito ni Mak. Lumingon siya para tingnan kung meron nga o kathang-isip lang niya ito. May nakita siyang pigura at pagkatapos, ang ala-ala ng hapdi at ang pagyakap ng dagdag na kadiliman.

Nagising siya nang masakit ang ulo. Ilang binhi ng liwanag mula sa ilang kandilang nasa sahig ang nagbibigay ilaw sa paligid. Nasaan siya? May nakita siyang scaffolding pero malabo pa rin. Masakit ang ulo niya. Ano ba'ng nangyari? Puro na lang tanong. Sinubukan niyang tumayo pero hindi niya magawa. Masakit din ang binti at braso niya na nalaman niyang nakagapos pala. Pinilit niyang kumawala pero hindi niya magawa. Mahigpit ang pagkakatali sa kaniya.

"'Wag mo nang tangkain," pumailanlang ang boses sa loob ng kadiliman.

"Sino ka?"

Saka siya nagpakita.

Doon nalaman ni Mak kung nasaan siya at sino ang kaniyang kasama. Nasa kapilya siya kasama ni Niño.

"Gago ka! Ikaw ba'ng nagdala sa 'ken dito?!" Saka din niya napunang may hawak itong dos por dos. "Ano'ng gagawin mo?"

"Ito? Tuturuan ka." Nawala na ang Niño na laging takot. Isang halimaw na ang pumalit dito. "Tama na'ng ilang taong pagtitiis ko."

"H-hoy! Ano'ng gagawin mo?!" Nakaramdam din siya ng takot.

Wala siyang inaksayang oras. Pinadampi na niya ang dos por dos sa lalake. Bawat hambalos, nararamdaman niyang may hustisya, na nakakaganti siya. Instrumento siya ng Dios. Lalo itong nag
Top of Form

iging malinaw sa kaniya habang nadidiligan ng dugo ang maruming sahig.

Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti. Ang nasa isip niya.

Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, ang sabi ng isa pang boses. Sandali! Hindi niya boses yon! Kanino?! Natigilan siya.

Kumakapit si Mak nang mabuti sa mundo ng mga may malay. Umiikot ang lahat. Naghalo ang lamig, sakit at lasa ng dugo.

Lumuwag ang hawak niya sa kahoy at nabitawan niya ito. Hindi siya ang pinanggalingan ng boses. Kung gano'n, kanino yon? Lumingon siya sa kaliwa. Sa kanan. Wala. Walang naroon kundi ang kadilimang bahagyang nagapi ng gabutil na liwanag ng mga kandila at ang dimonyong sugatan.

Hindi na nakaya pang kumapit ni Mak sa kamalayang sa tingin niya ay dapat niyang kapitan. Dumulas na siya papunta sa kadilimang nagpamanhid sa lahat ng pakiramdam niya. Pero iba ang kinaharap ni Niño; paulit-ulit ang tinig. Paulit-ulit gaya ng ambon sa makalawang na yero.

. . .paghihiganti. . .

. . .gaganti. . .

Umurong siya at tinakpan ang tenga, umaasang kung gagawin niya ito ay mapapatigil niya ang tinig na marahang bumubulong: akin ang paghihiganti; ako ang gaganti.

"Tumigil ka na!" Puno ng galit ang tinig niya. "Tumigil ka!"

Gumuguhit ang bakas ng paa niya sa sahig na pinakapal ng alikabok; ito ay mga bakas ng isang taong binulag ng takot. Hanggang sa bumangga siya sa scaffold; umuga ito at ang isang martilyong nananahimik sa platform ay nalaglag sa ulunan ni Niño.

Pumatak ang dugo sa alikabok. Pagkatapos ay hinalikan na niya ang sahig. Pumahimpapawid ang alikabok. Pumailanlang ang katahimikan. Yumakap ang hapdi. Bago nakabitaw sa buhay na 'yon ang lalake, isang palaisipan ang kaniyang nasagot: siya ang pinatutungkulan ng malamig na bulong; para ito sa kaniya.

At sa paglabag niya sa utos ng Dios, buhay niya ang naging kapalit. Sa huli, natupad ang mga salitang: SA AKIN ANG PAGHIHIGANTI; AKO ANG GAGANTI.

Wakas.

No comments:

Post a Comment