Monday, July 2, 2012

Segunda manong Simpatya



                Babad na naman sa telebisyon si Marie, at tulad ng dati, balita na naman ang kaniyang pinagpipiyestahan. Ganito ang araw-araw niyang gawi. Uuwi galing sa trabaho nang pagod at bubuksan ang telebisyon upang makita kung ano nang nangyayari sa lipunang lumason sa kaniyang isip.
                Isang lolo ang humalay sa apat na taon niyang apo…
                Isang negosyante ang kinasuhan ng syndicated estafe ng isang…
                Isang pulitiko ang sinampahan ng impeachment  complaint…
                Isang pinaghihinalaang holdaper ang nakitang patay sa isang bakanteng lote…
                 Isang pusa ang iniligtas ng mga bumbero mula sa…
                S bawat balita sa telebisyon, hindi niya nakikitang apektado siya nito. Matatawa siya sa isang repoter na tumutula, magagalit siya sa pulitikong inakusahan ng pagdarambong nang walang kaukulang ebidensiya, kakaawaan niya ang isang dalagitang ginahasa at binasag ang bungo., makikisimpatya siya sa mga magsasakang nagmartsa sa kainitan ng araw upang ipagtanggol ang karapatan nila sa lupa. Para siyang luwad na namomolde ayon sa emosyong kaniyang nasasaksihan.
                Ngunit, pagkatapos ng balita, pagpatak ng primetime at oras na para magpalabas ng mga telenobela at teleseryeng tila hindi niya pagsasawaan, at pagpatak ng oras para panoorin na ang mga paborito niyang taumbahay na pagkuwentuhan ang mga kapwa nila taumbahay na nag-aaway dahil sa tinapay, hapunan at kung anu-ano pang kababawan, mawawala na ang simpatya, ang lungkot, ang galit at ang mga pangambang napanood na niya sa mga balita. Para sa kaniya, entertainment lang ang paghihirap ng ibang tao.
                Pagpatak ng alas-dos ng madaling araw, himbing na siya sa pagtulog. Mananaginip ng maganda… depende sa napanood niya. Depende kung gaano siya naapektuhan ng ibang tao.
                “Ui, Mars!” banat ng bestfreind ni Marie, ”napanood mo ba sa balita yung bida sa Hanggang sa Dulo ng Walang Paalam? Kaloka. Siya pala yung daddy ng anak nung sa channel six!”
                “Ay, oo. P.I. siya. Pero, mas grabe yung batang pinatay nung kalaro. Mga magulang kasi ayaw mag-ingat.”
                “Ha? Hindi ko knowing yon. Nailipat ko ‘ata sa One Time Big Time.”
                “Baduy! Hilig mo sa ganon, girl!”
                “Pake-bells ba?”
                “Mga Mars,” isa pa sa mga kaibigan nila ang sisingit sa usapan. “Sino’ng nominated kagabi sa PPB?”

                Ito ang buhay para kay Marie, aagos kung saan man dalhin ng daloy ng emosyon ng ibang tao. Kinagabihan, nasa harap na naman siya ng aparato, alipin nito. Ganoon uli  ang gagawin niya: manghihimasok sa buhay ng iba. Makikialam. May pakialam. Nasa pinakaligtas na lugar sa mundo, sa harap ng telebisyon.
                Muli siyang huhubugin ng mga emosyon. Panaka-nakang sisilip sa cellphone at ite-text sa mga kumare niya kung napanood ba nila ito o ganyan o anong oras ba ang paborito nilang palabas at saang channel ba ito.
                Para sa kaniya, masayang mabuhay sa emosyon at paghihirap ng iba. Doon siya nakukuntento… at nagiging brutal. Para saan ba ang pagsama sa mga rally papuntang Malakanyang kung nakikiisa na siya sa panonood.
               
                “’Te, alis na kami. Ikaw ba?” tanong ng kaniyang katrabaho.
                Overtime siya ngayong gabi. Naisip lang niya. Maiba naman.
                “’Key! Mauna na kayo. See you tomorrow na lang ang drama,” tugon niya.
                Naiwan siyang mag-isa sa tahimik na opisina, sa kaniyang cubicle. Makakapag-concentrate na siya.
                At kagaya nga ng inaasahan, wala na siyang masakyan. Tahimik na sa daan. Ang kalyeng tila piyesta kapag tirik ang araw ay ghost town na kapag buwan na ang naghari.
                Kabado man, nilakad niya ang kalye. Marami na siyang narinig sa kalsadang itong tinuturing nilang ang ‘tunay na Balite Drive’. Ngayon, siya naman ang bida.
                May kaluskos siyang narinig sa halamanan. Bigla siyang natigilan at tinapunan ng tingin ang paretng yon ng kadiliman. Walng anu-ano ay may sumulpot mula sa talahiban.
                At ang hangin ay napuno ng tili…

                Babad na naman sa telebisyon si Jamie, at tulad ng dati, balita na naman ang kaniyang pinagpipiyestahan. Ganito ang araw-araw niyang gawi. Uuwi galing sa trabaho nang pagod at bubuksan ang telebisyon upang makita kung ano nang nangyayari sa lipunang lumason sa kaniyang isip.
Isang lolo ang humalay sa apat na taon niyang apo…
                Isang negosyante ang kinasuhan ng syndicated estafe ng isang…
                Isang babaeng pinaghihinalang hinalay ang nakitang patay sa tinaguriang ‘tunay na Balite Drive’.