Thursday, July 4, 2013

Malamig ang Gabi


ni Kapitan

Hindi ko na maalala kung kailan naming huling naranasang ibili ng mga bagong damit at kumain ng masasarap ng pagkain. Ewan ko ba. Simula kasi nang magkasakit si Ina ay tila isinumpa na rin namin ang araw ng Pasko.

Malamig ang gabi. Nanunuot sa aking katawan, bumabalot sa marumi't magalos kong balat. Naglalakad ako pauwi sa aming munting tahanan, at kahit saan ako tumitig ay dinuduling ako ng iba't-ibang ilaw at kulay. "Pasko nga nga! Pasko na naman!" Ilang hakbang pa at sa wakas nailapat ko na rin ang pagal kong katawan sa matigas na papag na dahil sa katagala'y binubukbok na yata. Minumuni-muni ang isa na namang araw ng pakikipaglaban sa buhay. Sadyang napakahirap makipaghabulan sa mga rumaragasang sasakyan, ang humawak ng lata at umupo sa tapat ng. . . Ang masakit pa, hindi ka na nga bibigyan, duduraan ka pa.

Ipinikit ko ang aking mga mata, nagbabakasakali na lumaya sa payak na mundo, mundong mabaho, sa pagiging alipin ng pagdarahop. Nang bigla akong bulahawin ng sunud-sunod na dalahit ng ubo ni Ina.

Matagal na panahong inalipin siya at ibinilanggo ng kanyang karamdaman. Lima ang kanyang supling at ako bilang panganay ang siyang pumapasan ng lahat ng pasakit. Walang pormal na edukasyon kung kaya't nananatiling bansot kundi man mangmang ang kaisipan. Mapalad na kung makumpleto ang tatlong beses na pagkain sa isang araw na kadalasa'y nauuwi na lamang sa paglunok ng laway, nakakasulasok na rin para sa akin ang amoy ng imburnal at kanal, kung minsan halos kapitbahay na rin yata namin. Ang ingay ng mga iskwater na kinamulatan ko na o mas tamang sabihing kakambal ko na yata. Ahhh. . . Kung buhay lamang si Ama! Kung buhay lamang si. . . "Kuya! Gutom na kami!" malamig ang dating ng bahaw na tinig na iyon. "Tiis muna, Toto, Junjun, tulog muna ulit at paggising n'yo, pramis, kakain na tayo."

Lagi na lamang bang ganito ang isasagot ko? Bakit ba ganito? Sa kabila ng mga pagpapahirap namin, ni minsan ay 'di pa kami nakakaranas ng ginhawa.
Nakakatawa, tuwing Pasko lamang kami nakakabawi, kasi halos magkakapatid na kaming nangangaroling at pumipila sa madre. Pero ngayon, sa hirap ng buhay, tila malabo pang makakain ng sarsa ng sardinas. Papaano ba naman ang hina ng kita (pasensiya na, sawa na kasi ako sa salitang "limos"). Malapit na naman ang bertdey ko. Habang abala ang lahat sa paghahanda, pamimili at kung anu-ano pa, kami nama'y 
tila mga dagang naghihintay ng patak na kahit na mumo lamang ng keso. Nakakainggit ang mga magagarang damit na suot habang kami nama'y tila basahang nangagkalat sa lansangan. Katulad ngayon, mamaya lamang ay hapunan na naman pero ang barya sa sisidlan kong lata ay mabibilang mo pa rin. Ano'ng kakainin namin? Si inay, anong gamot ang iinumin niya? Pwede bang maglaga na lamang ulit ako ng tubig at lagyan ng kaunting asin at siyang ipainom muli? Ahhh! . . . Ganito ba talaga? Bakit ganoon? Hindi naman ako nagkulang sa dasal. Hindi naman kami nakakalimot na magkakapatid na magsimba. Katunayan, pagkatapos na pagkatapos naming umalis sa puwesto ay dumidiretso na kami sa simbahan, kahit pa sabihing nagtatakip ng ilong ang mga nasa loob ng simbahan kapag kami'y dumaraan. Bakit ganoon? Sabi nila, kumatok ka't ika'y pagbubuksan, humingi ka at ika'y pagbibigyan. Pero, bakit halos ipagduldulan na namin ang aming mga sarili ay ganoon at ganoon pa rin? Mabuti pa kaya'y gisingin ko na ang mga mahal ko sa buhay upang aming pagsaluhan ang aking inihandang kaning bahaw at tatlong piraso ng tuyo na malamig pa yata sa ilong ng pusa.

 Pumasok ako sa kabilang kuwarto upang gisingin sina Toto, nang makita ko silang namimighati. "Kuya, ayaw magsalita ni Inay, ayaw din niyang gumising. Bakit kaya?" tanong ni Junjun na talagang wala pang muwang sa mundo. Malamig na pawis ang yumakap sa aking katawan na tila yelong bumabalot sa aking puso, ang tibok nito ay palakas ng palakas. Nilapitan ko si Ina upang hindi kawasa'y malaman lamang na . . . Ahhh. . . Gusto kong sumigaw! Umagos ang luha't pawis sa aking pisngi. Pinigil ang damdaming halos sumabog sa matagal nang pagtitimpi. Iisa lamang ang aking nabanggit, "Inay, malamig ang gabi."

Aling Taseng

Ni Kapitan

Sino ba naman sa aming lugar ang hindi makakakilala kay Aling Taseng? Sa pangalan pa lang marami ng bagay ang maiisip sa kaniya, lalo na kapag nakilala mo na siya. Si Aling Taseng ay hindi madaling magustuhan. Kung sakali't may magukol sa kanya ng una at mahabang tingin, iyon ay upang basahin lamang ang iba pa niyang kapintasan. Ang kanyang buhok ay gupit-lalaki at matigas pa sa walis tambo tuwing madadampian. Ang kaniyang katawan na doble ang laki sa kanyang asawang hikain. Maligasgas ang kanyang kutis (kahit sa tingin lang). 'Pag siya ay tumawa ang madilaw na ngipin ay katunayan na hindi ito nakakakilala ng sipilyo. Habang tumatagal ang pakikipag-usap sa kanya'y lalo lamang nadaragdagan ang kanyang kapintasan, kaya bihira ko siyang tingnan at iniiwasan kong kausapin.



Naging kapit-bahay namin si Aling Taseng sa loob ng isang taon at kalahati. Gayon din katagal na naudlot ang gana ko sa pagsusulat. Sino ba namang makakasulat ng matino kung tulad niya ang kapit-bahay mo? Sa gitna ng aking malalim na konsentrasyon sa paghagilap ng mga ideya ay bigla siyang humikab ng pabuntong-hininga na hindi nagtatakip ng bibig, kaya't kitang-kita ang bibig na napipilas hanggan tainga. Naroon siya'y kumanta sa boses na parang binibiyak na kawayan, kung minsan nama'y magmumura, magdadabog o tatawa ng "tawang-mongoloid." Walang katiyakan na tahimik siya sa buong magdamag. Siya kaya'y baliw? Ewan ko, basta ang alam ko ay mababaliw ako sa pagbulabog niya sa aking inspirasyon.
 Madali lang hukayin ang katauhan at nakalipas ni Aling Taseng. Rapido kung siya ay mag-kwento (kahit tinatalikuran ng kakwentuhan). Siya ay isang Bikolanang hindi marunong bumasa at sumulat na nakipagsapalaran sa Maynila. Noong siya'y "teen-ager" pa, ang ganda niya noon. Sa katunayan, ipinakita niya ang larawan ng balingkinitang babae na talaga namang mala-Angel Locsin. Nakapag-asawa siya na kababayang maskulado (kalingkis niya sa larawan.)
na tulad niyang naghahanap din ng swerte. At tulad ng dapat asahan, silang mag-asawa ay nakaranas matulog sa bangketa pati na ang ilan sa pito nilang anak.

Hanggang si Maskulado ay naging tingting at si Angel Locsin ay tumaba sa hirap. Dalawang beses rin siyang nakulong, ayom na rin sa madulas niyang dila (dahil sa away, ano pa?). Kaya ng balibagin ang kanilang inuupahang bahay, nakatawa pa siya habang ini-interbyu ng mga tsismosa. "Magsasawa rin ang tadong iyon." Kusa niyang inilakas ang pagsasalita pagkat nagkataong kaumpok ng mga tsismosa ang suspek (kasabay ng "tawang-mongoloid"). "Sa Tondo! Pinapanood lamang namin ang mga nagbabarilan at nagsasaksakan," malakas pa niyang dugtong. Gigilitan daw niya ang duwag na ayaw lumaban ng harapan. Biglang naglaho sa umpukan ang suspek.

Nang gibain ang inuupahang bahay nina Aling Taseng, lihim akong nagdiwang. Inakala kong mabubunutan ako ng tinik sa lalamunan. Ngunit ng siya ay naluluhang nagpaalam sa akin, naramdaman kong may tila malaking tipak ng monay na nag-trapik sa aking "adam's apple." Sa unang pagkakataon, may nasilip akong kakaibang sangkap sa kanyang pagkatao. Kay laki ko palang hangal! Hindi ko agad napansin iyon, pagkat naging negatibo ako sa pagtingin sa kanya.

Tatlong buwan ang lumipas, isang tanghaling tirik ng Abril ay dumating si Aling Taseng. Malayo pa ay nanunuot na sa tainga ko ang kanyang boses na ipit at mataas ang tono. May bitbit siyang plastik na sako na nangangalahati ang laman. "Regalo ko sa inyo," pabirong sabi niya. Parang hindi ko narinig ang kanyang sinabi 'pagkat sinalpok ako ng singaw ng kanyang maasim na pawis. Mahigit dalawang kilometro ang kanyang nilakad maihatid lamang ang regalo.
Sa pagitan ng maingay na pagngasab ng biskotso na inihain namin sa kanya, si Aling Taseng ay nagsalaysay ng kanilang buhay sa bagong tirahan sa liblib na barangay. Sa pagitan ng kanyang "tawang-mongoloid" ay pinilit kong unawain ang kanyang malungkot na kwento. Nagtiis akong talsikan ng maliliit na piraso ng tinapay na nag-aalpas sa pagitan ng madidilaw na ngipin. Nagtiis ako pagkat bihirang makakita ng kausap na walang pagkukunwari sa sarili. Nagtiis ako, 'pagkat sa ilang sandali ng aming pag-uusap ay nakita ko ang katauhan at katapatan ng isang tagabukid na nagiging marahas at magaspang ang ugali dahil na rin sa karanasan at kagagawan ng kapwa.

Nang makaalis si Aling Taseng, sabay kong naramdaman ang pagkapahiya sa sarili at mumunting kutob ng budhi pagkat nagkamali ako sa una kong paghato sa kanya. Naging plastik ang aking pakikisama dahil lamang sa pagbulabog niya sa aking inspirasyon. Siya pala ay inspirasyon din.

Ang regalo ni Aling Taseng-- saging na saba at kamoteng kahoy. Walang golpe ika nga. Pero para sa akin tinitimbang ko ito sa halaga ng ginto, pagkat ang taong walang pagkukunwari ay bihira nang makita sa panahong ito.