Ni Kapitan
Sino ba naman sa aming lugar ang hindi makakakilala kay Aling Taseng? Sa pangalan pa lang marami ng bagay ang maiisip sa kaniya, lalo na kapag nakilala mo na siya. Si Aling Taseng ay hindi madaling magustuhan. Kung sakali't may magukol sa kanya ng una at mahabang tingin, iyon ay upang basahin lamang ang iba pa niyang kapintasan. Ang kanyang buhok ay gupit-lalaki at matigas pa sa walis tambo tuwing madadampian. Ang kaniyang katawan na doble ang laki sa kanyang asawang hikain. Maligasgas ang kanyang kutis (kahit sa tingin lang). 'Pag siya ay tumawa ang madilaw na ngipin ay katunayan na hindi ito nakakakilala ng sipilyo. Habang tumatagal ang pakikipag-usap sa kanya'y lalo lamang nadaragdagan ang kanyang kapintasan, kaya bihira ko siyang tingnan at iniiwasan kong kausapin.
Naging kapit-bahay namin si Aling Taseng sa loob ng isang taon at kalahati. Gayon din katagal na naudlot ang gana ko sa pagsusulat. Sino ba namang makakasulat ng matino kung tulad niya ang kapit-bahay mo? Sa gitna ng aking malalim na konsentrasyon sa paghagilap ng mga ideya ay bigla siyang humikab ng pabuntong-hininga na hindi nagtatakip ng bibig, kaya't kitang-kita ang bibig na napipilas hanggan tainga. Naroon siya'y kumanta sa boses na parang binibiyak na kawayan, kung minsan nama'y magmumura, magdadabog o tatawa ng "tawang-mongoloid." Walang katiyakan na tahimik siya sa buong magdamag. Siya kaya'y baliw? Ewan ko, basta ang alam ko ay mababaliw ako sa pagbulabog niya sa aking inspirasyon.
Madali
lang hukayin ang katauhan at nakalipas ni Aling Taseng. Rapido kung siya ay
mag-kwento (kahit tinatalikuran ng kakwentuhan). Siya ay isang Bikolanang hindi
marunong bumasa at sumulat na nakipagsapalaran sa Maynila. Noong siya'y
"teen-ager" pa, ang ganda niya noon. Sa katunayan, ipinakita niya ang
larawan ng balingkinitang babae na talaga namang mala-Angel Locsin.
Nakapag-asawa siya na kababayang maskulado (kalingkis niya sa larawan.)
na
tulad niyang naghahanap din ng swerte. At tulad ng dapat asahan, silang
mag-asawa ay nakaranas matulog sa bangketa pati na ang ilan sa pito nilang
anak.
Hanggang
si Maskulado ay naging tingting at si Angel Locsin ay tumaba sa hirap. Dalawang
beses rin siyang nakulong, ayom na rin sa madulas niyang dila (dahil sa away,
ano pa?). Kaya ng balibagin ang kanilang inuupahang bahay, nakatawa pa siya habang ini-interbyu ng mga tsismosa.
"Magsasawa rin ang tadong iyon." Kusa niyang inilakas ang pagsasalita
pagkat nagkataong kaumpok ng mga tsismosa ang suspek (kasabay ng
"tawang-mongoloid"). "Sa Tondo! Pinapanood lamang namin ang mga
nagbabarilan at nagsasaksakan," malakas pa niyang dugtong. Gigilitan daw
niya ang duwag na ayaw lumaban ng harapan. Biglang naglaho sa umpukan ang
suspek.
Nang gibain ang inuupahang bahay nina Aling Taseng, lihim akong nagdiwang. Inakala kong mabubunutan ako ng tinik sa lalamunan. Ngunit ng siya ay naluluhang nagpaalam sa akin, naramdaman kong may tila malaking tipak ng monay na nag-trapik sa aking "adam's apple." Sa unang pagkakataon, may nasilip akong kakaibang sangkap sa kanyang pagkatao. Kay laki ko palang hangal! Hindi ko agad napansin iyon, pagkat naging negatibo ako sa pagtingin sa kanya.
Tatlong buwan ang lumipas, isang tanghaling tirik ng Abril ay dumating si Aling Taseng. Malayo pa ay nanunuot na sa tainga ko ang kanyang boses na ipit at mataas ang tono. May bitbit siyang plastik na sako na nangangalahati ang laman. "Regalo ko sa inyo," pabirong sabi niya. Parang hindi ko narinig ang kanyang sinabi 'pagkat sinalpok ako ng singaw ng kanyang maasim na pawis. Mahigit dalawang kilometro ang kanyang nilakad maihatid lamang ang regalo.

Sa
pagitan ng maingay na pagngasab ng biskotso na inihain namin sa kanya, si Aling
Taseng ay nagsalaysay ng kanilang buhay sa bagong tirahan sa liblib na
barangay. Sa pagitan ng kanyang "tawang-mongoloid" ay pinilit kong
unawain ang kanyang malungkot na kwento. Nagtiis akong talsikan ng maliliit na
piraso ng tinapay na nag-aalpas sa pagitan ng madidilaw na ngipin. Nagtiis ako
pagkat bihirang makakita ng kausap na
walang pagkukunwari sa sarili. Nagtiis ako, 'pagkat sa ilang sandali ng aming
pag-uusap ay nakita ko ang katauhan at katapatan ng isang tagabukid na nagiging
marahas at magaspang ang ugali dahil na rin sa karanasan at kagagawan ng kapwa.
Nang makaalis si Aling Taseng, sabay kong naramdaman ang pagkapahiya sa sarili at mumunting kutob ng budhi pagkat nagkamali ako sa una kong paghato sa kanya. Naging plastik ang aking pakikisama dahil lamang sa pagbulabog niya sa aking inspirasyon. Siya pala ay inspirasyon din.
Ang regalo ni Aling Taseng-- saging na saba at kamoteng kahoy. Walang golpe ika nga. Pero para sa akin tinitimbang ko ito sa halaga ng ginto, pagkat ang taong walang pagkukunwari ay bihira nang makita sa panahong ito.

No comments:
Post a Comment