ni Kapitan
Hindi ko na maalala kung kailan naming huling naranasang ibili ng mga bagong damit at kumain ng masasarap ng pagkain. Ewan ko ba. Simula kasi nang magkasakit si Ina ay tila isinumpa na rin namin ang araw ng Pasko.
Malamig ang gabi. Nanunuot sa aking katawan, bumabalot sa marumi't magalos kong balat. Naglalakad ako pauwi sa aming munting tahanan, at kahit saan ako tumitig ay dinuduling ako ng iba't-ibang ilaw at kulay. "Pasko nga nga! Pasko na naman!" Ilang hakbang pa at sa wakas nailapat ko na rin ang pagal kong katawan sa matigas na papag na dahil sa katagala'y binubukbok na yata. Minumuni-muni ang isa na namang araw ng pakikipaglaban sa buhay. Sadyang napakahirap makipaghabulan sa mga rumaragasang sasakyan, ang humawak ng lata at umupo sa tapat ng. . . Ang masakit pa, hindi ka na nga bibigyan, duduraan ka pa.
Ipinikit ko ang aking mga mata, nagbabakasakali na lumaya sa payak na mundo, mundong mabaho, sa pagiging alipin ng pagdarahop. Nang bigla akong bulahawin ng sunud-sunod na dalahit ng ubo ni Ina.
Matagal na panahong inalipin siya at ibinilanggo ng kanyang karamdaman. Lima ang kanyang supling at ako bilang panganay ang siyang pumapasan ng lahat ng pasakit. Walang pormal na edukasyon kung kaya't nananatiling bansot kundi man mangmang ang kaisipan. Mapalad na kung makumpleto ang tatlong beses na pagkain sa isang araw na kadalasa'y nauuwi na lamang sa paglunok ng laway, nakakasulasok na rin para sa akin ang amoy ng imburnal at kanal, kung minsan halos kapitbahay na rin yata namin. Ang ingay ng mga iskwater na kinamulatan ko na o mas tamang sabihing kakambal ko na yata. Ahhh. . . Kung buhay lamang si Ama! Kung buhay lamang si. . . "Kuya! Gutom na kami!" malamig ang dating ng bahaw na tinig na iyon. "Tiis muna, Toto, Junjun, tulog muna ulit at paggising n'yo, pramis, kakain na tayo."
Lagi na lamang bang ganito ang isasagot ko? Bakit ba ganito? Sa kabila ng mga pagpapahirap namin, ni minsan ay 'di pa kami nakakaranas ng ginhawa. Nakakatawa, tuwing Pasko lamang kami nakakabawi, kasi halos magkakapatid na kaming nangangaroling at pumipila sa madre. Pero ngayon, sa hirap ng buhay, tila malabo pang makakain ng sarsa ng sardinas. Papaano ba naman ang hina ng kita (pasensiya na, sawa na kasi ako sa salitang "limos"). Malapit na naman ang bertdey ko. Habang abala ang lahat sa paghahanda, pamimili at kung anu-ano pa, kami nama'y tila mga dagang naghihintay ng patak na kahit na mumo lamang ng keso. Nakakainggit ang mga magagarang damit na suot habang kami nama'y tila basahang nangagkalat sa lansangan. Katulad ngayon, mamaya lamang ay hapunan na naman pero ang barya sa sisidlan kong lata ay mabibilang mo pa rin. Ano'ng kakainin namin? Si inay, anong gamot ang iinumin niya? Pwede bang maglaga na lamang ulit ako ng tubig at lagyan ng kaunting asin at siyang ipainom muli? Ahhh! . . . Ganito ba talaga? Bakit ganoon? Hindi naman ako nagkulang sa dasal. Hindi naman kami nakakalimot na magkakapatid na magsimba. Katunayan, pagkatapos na pagkatapos naming umalis sa puwesto ay dumidiretso na kami sa simbahan, kahit pa sabihing nagtatakip ng ilong ang mga nasa loob ng simbahan kapag kami'y dumaraan. Bakit ganoon? Sabi nila, kumatok ka't ika'y pagbubuksan, humingi ka at ika'y pagbibigyan. Pero, bakit halos ipagduldulan na namin ang aming mga sarili ay ganoon at ganoon pa rin? Mabuti pa kaya'y gisingin ko na ang mga mahal ko sa buhay upang aming pagsaluhan ang aking inihandang kaning bahaw at tatlong piraso ng tuyo na malamig pa yata sa ilong ng pusa.
Pumasok ako sa kabilang kuwarto upang gisingin
sina Toto, nang makita ko silang namimighati. "Kuya, ayaw magsalita ni
Inay, ayaw din niyang gumising. Bakit kaya?" tanong ni Junjun na talagang
wala pang muwang sa mundo. Malamig na pawis ang yumakap sa aking katawan na
tila yelong bumabalot sa aking puso, ang tibok nito ay palakas ng palakas.
Nilapitan ko si Ina upang hindi kawasa'y malaman lamang na . . . Ahhh. . .
Gusto kong sumigaw! Umagos ang luha't pawis sa aking pisngi. Pinigil ang
damdaming halos sumabog sa matagal nang pagtitimpi. Iisa lamang ang aking
nabanggit, "Inay, malamig ang gabi."
No comments:
Post a Comment