Kasabay ng pagsindi ng ilaw at pagdaloy gasolina mula sa makina ng maiingay na sasakyan ay ang paglabas ng mga bata sa kani-kanilang lungga tangan ang panutsa, kendi, ilang kaha ng sigarilyo at pag-asa sa munti nilang damdamin. Panibagong gabi ng pagsagwan sa agos ng mabangis na lungsod upang pataasin ang tsansang mabuhay. Mabuhay!
“Ate, kuya, bili na po kayo”
October 15, 2011
6:43 P.M
Madali namin silang namataan sa madilim na paligid ng Olivarez. May isang pangkat ng kabataan ang bumabagtas sa makipot na espasyo ng sanga-sangang mga sasakyan. Wari’y naglalaro ng patintero. Hinabol namin nang tingin ang kanilang direksyon upang ‘di kawasa’y matunton ang kanilang ‘tambayan’. Sa harap ng Andoks, tahimik silang nakabangla sa mga kostumer, naghihintay na kahit kapirasong kurot ng manok. Sila ay nakapalibot kung saan maymatatanghuran. Binubusog ang mata sa nakikita at maging ang ilong sa amoy ng malasa at masarap na pagkain. May ilang nagbigay ng kanilang inorder at tila aso silang tumakbo palayo para paghati-hatian ang premyo ng kanilang pagbangla.
Sa hindi kalayuan tumawag ng aming pansin si Jeric isang kabataang hinulma ang isip at maging ang katawan ng hirap ng trabaho sa kalye na sa pagkakataong iyon ay sumasalubong sa mga dagsang pasahero mula sa mga pampublikong sasakyan. Labing-limang taong gulang at second year high school. Matapos ang aralin ay nagbibihis na siya para magbenta ng kahon-kahong buko pie. Sumasabit sa rumaragasang bus at pinapatid ang boses sa pag-aalok ng produkto. Nang tanungin namin siya kung bakit niya iyon ginagawa, malinaw ang kanyang sagot, ang matulungan ang kaniyang mga magulang. Pangarap niyang maging seaman ngunit ayon sa kanya isa pa ring palaisipan kung maaabot niya iyon pero ipinangako niya na magsisipag siya sa pag-aaral.
Muli naming binalikan ang ilang kabataan sa tapat ng Andoks. Nakilala namin si Ivan, labintatlong taong gulang, tumigil na siya sa pag-aaral at umabot lamang ng Grade 3. Apat silang magkakapatid at tulad ng iba, kinakailangan niyang kumita para sa kanilang pamilya. Sa mapaglaro naming mga tanong nakita namin ang isang musmos sa kanyang katauhan. Idolo niya si Goku, bida sa isang cartoon series, malakas daw kasi ang super powers niya at kaya pang lumipad. May malaking ngiti sa kanyang mukha habang inilalarawan ang karakter na iyon. Pangarap naman niyang maging sundalo at katulad ng maaaring idahilan ninuman para ipagtanggol ang kanyang kapwa. At kung may mensahe man siya sa katulad niyang mga kabataan, iyon ay ang magsikap at pahalagahan ang bawat biyayang natatanggap. Habang kinakapanayam namin ang batang lalaki, panay ang pagpatas niya sa kanyang binibentang panutsa. Ayon sa kanya nagkakahalaga ng 25 pesos ang bawat isa nito. At sa bawat piraso ng panutsa na kanyang nabebenta ay napupunan ang kumakalam na sikmura ng kanyang umaasang pamilya. Maraming kaibigan si Ivan na karamay niya sa hirap na dinadanas. Nakilala namin sina Jeremy, Angela, Mariel, Jian at Camilla na nasa anim hanggang labing limang taong gulang na katulad niya ay isinantabi muna ang tipikal na palaruan at eskwelahan para magbanat ng buto at kumita. Ni hindi sila magkakaanu-ano o magkakakilala pero ang lansangan na kanilang nagiging palaruan tuwing gabi ay ang lugar na nagpakilala sa isa’t isa. Isang palaruan na tanging sila lang ang nakakaranas ng kakaibang saya sa kabila ng pagod at hirap.
Sa lansangan na kung saan namin sila unang namataan ay dun na rin sila nagpapalipas ng gabi at nagpapahinga, tila ‘di alintana ang pait ng buhay na kanilang pinagdadaanan. Malayong-malayo sa buhay ng normal na bata na dapat ay sa mga oras na iyon ay naglalaro o kundi naman ay nag-aaral.
7:28 P.M
Bilang kapalit ng aming isinagawang interbyu sa musmos na si Ivan, tinulungan namin siya na maglako ng kaniyang tangan na paninda. Dito namin nadama ang bigat ng kaniyang pasanin lalo’t sa mura niyang edad, hindi biro ang mag-alok ng panutsa sa mga taong nagdaraan. May ilang hindi kami pinansin at tila ba walang narinig at kung medyo sinuwerte pa ay titigil nang saglit ngunit ‘di naman bibili. Masakit sa kalooban ang ma-reject at balewalain ng mga taong aming nilapitan pero hindi ito naging dahilan upang kami ay mawalan ng pag-asa, sa halip ay lalo pa naming pinag-igihan ang aming pagtulong sa kawawang bata. Maya-maya ay mayroon na ring bumili ng aming paninda, ‘di lamang isa kundi nasundan pa ito ng pangalawa, pangatlo at pang-apat. Hanggang hindi namin namalayan na may tatlong panutsa na lang ang natitira sa kanyang lalagyan. Sabi ni Ivan, maaga raw siya ngayong makakauwi kasi nakapagbenta siya ng marami. Tuluyang gumuhit ang ngiti sa aming mga labi, bakas ng saya na kami’y nakatulong sa isang kawawang nagdarahop na bata. Sa pagkakataong iyon, tila ba may magnet na pumipigil sa aming pag-alis dahil sa ilang oras na nakapiling namin sina Ivan, naramdaman namin ang saya na nakatulong kami at malaking hiya sa sarili na sa murang edad ng mga batang iyon ay kumikita na sila para sa kanilang pamilya samantalang karamihan sa amin (sa atin) ay hanggang ngayon umaasa pa rin sa ating mga magulang.
8.04 P.M
Tinanaw namin sina Ivan habang kami’y papalayo. At sa bawat hakbang ng aming mga pagod na paa at binti, namumutawi sa aming mga kaisipan ang bawat segundo namin silang nakasama at ang bagong karanasan na hinding-hindi namin malilimutan. Hindi mabura ang malalaking ngiti sa kanilang mukha. Ang mga batang namulat na sa reyalidad ng buhay at may pinanghahawakang mga munting pangarap. Pangarap na ngayo’y katanungan pa sa kanila kung makakamit nila. Ang mga batang nagmulat sa amin sa anyo ng tunay na mundo. Mundo ng mga humahangos sa buhay kaya’t maging sa murang edad ay nagagawa nang sumabak sa mapanganib na lansangan malamnan lamang ang kumakalam na sikmura.
Siguro ay naroon pa rin sila. Siguro ay hindi na nila tanda ang aming mga mukha. Siguro ay nakikipagsapalaran pa rin sila, nakikipaghabulan sa mga bus, nakikipagpatintero sa mga kotse at dyip, nakikipaglaro ng taguan sa usok at panahon, at nakikipagnegosasyon sa mga taong hindi nila kilala. Nag-uunahan, naghahabulan, tangan ang mga basket na ‘pansamantagal’ nilang laruan. Hinahabol nila ang mga sasakyan para makabenta sa halip na kapwa bata. Pamato ang kanilang mga munting tinig, “ate, kuya, bili na po kayo”. At kapag nahuli ka nila ikaw ang magiging taya.
Ngunit sa mga sandaling iyon na sila ay aming nakapiling, tunay na naramdaman namin ang tiwala, hindi kami naging estranghero para sa kanila. Hanggang ngayon musika pa rin para sa amin ang kanilang mga tinig. Nalaman namin ang lalim na mayroon sa kanilang kamusmusan, ang parehong kamusmusang maagang narungisan dahil na rin sa responsibilidad. Ang kabataang ninakaw sa kanila ng pagkakataon. Marami pang Ivan na nanatili sa malawak nilang palaruan, ang palaruan ng buhay. Naghihintay na makipaglaro tayo, para may maipanlaman sa dumadaing nilang tiyan. “Ate, kuya, bili na po kayo”. Ikaw, makikipaglaro ka ba?
Wakas
No comments:
Post a Comment