Friday, April 13, 2012

Worse Regret By Euniz



Ang ala-ala mo’y aking nagunita, panahon nang ako ay musmos pang bata. Dampi ng ‘yong kamay, ngiti sa ‘yong labi, itinaglay mo akong kaparis ng binhi. Parang kahapon lamang ng tayo’y magkapiling. Bakit ngayo’y nagulat sa aking pagkagising, bigla na lang gumuho ang aking damdamin, ang tuyot kong puso ay lumuluha man din. Natangay sa kalungkutan, kahapong kay saya. Nakalipas na sa isip ay hindi makalaya. Ngayon at bukas na kay saya pa sana. Bakit kami’y nilisan giliw naming ina? Isinulat ko ang komposisyong ito noong Enero 23, 2009 para sa aking nanay.
Walong taong gulang pa lamang ako noon, masaya kaming magkakapatid na natulog dahil ipinanganak na ang aming bunsong kapatid. Sa kahimbingan ng aking pagtulog ay ginising ako ng aking panganay na kapatid upang sabihin ang pinakamasamang balitang narinig sa aking buong buhay, kinuha na ng Diyos ang aming mommy. Musmos pa lang ako ngunit naramdaman ko ang masidhing sakit at pagguho ng aking damdamin. Napaluha ako habang kinakausap kami ng aming tatay sa harap ng nakahimlay at walang buhay naming nanay. Pinagdasal ko ang aming mommy at kinausap ko ang aking matalik na kaibigan – si God. Hanggang ngayon ay sa Kanya (kay God) ako unang lumalapit at nagkukwento gabi-gabi na parang ang aking nanay na nilalapitan ko kapag ako ay may kailangan.
Sa paglubog at paglitaw ng araw, sa bawat luhang pumapatak, hindi ko namalayan na nabuhay na ako ng wala ang aming mommy. Mahigit isang dekada nang walang kumakalinga’t nagmamahal na nanay. Ilang taon ng may pagkukulang sa gabay at pangaral. Ang pagsisilbi bilang Crafted Thoughts
ama’t ina ng aming daddy. Mga araw ng paggising na walang nanay sa tabi. Bawat gabi na kasama ang aming mommy sa aking panalangin. Isang buong buhay ng kalungkutan lamang ang taon-taong pagsapit ng Mothers’ Day. Inspirasyon na ang mommy sa lahat ng gawain. Natutunan na naming magkakapatid na magkaroon ng lakas ng loob para mabuhay ng may katatagan at maging masaya ng walang nanay. Bata pa lang ako noon at walang alam kung bakit kailangang mawala ang taong bumubuo sa amin. Hanggang ngayon ay aking pinagsisisihan kung bakit hindi ko naipakita ang aking buong pagmamahal sa iilang taong ipinahiram ng Diyos upang makasama namin ang aming nanay.
Kinaiinggitan ko ang mga pamilyang mayroon pang nanay. Naiinis ako sa mga anak na sumasagot, sumusuway, hindi rumirespeto at hindi binibigyan ng halaga ang kanilang mga magulang na naghihirap at nagtitiyaga upang mabuhay ng buo ang kanilang pamilya. At bilib ako sa mga anak na inspirasyon ang kanilang mga magulang sa bawat pagtupad ng kanilang mga pangarap.
Nakalipas na ang nakaraan. Hindi na nga maibabalik pero may magagawa pa para sa hinaharap. Yakapin ang mga natitira pang mga panahon. Ngumiti na parang walang problema, wala naman kasing magagawa ang pagsimangot, kumilos at manalangin. Hindi mo masisisi ang Diyos sa halip ay magpasalamat ka sapagkat ang lahat ng ito ay hiram lang natin sa Kanya.
Ikaw, kailan mo pahahalagahan ang mga taong tinuturing kang isa sa kanilang prayoridad? Hanggang kailan mo ikukubli ang tunay mong pagmamalasakit? Kailan mo pa ipapakita na mahal mo sya? O isa kang tulad ko na hanggang ngayon ay sumisigaw ng pagmamahal sa taong wala na?

No comments:

Post a Comment