Tuesday, April 3, 2012

Kailan babalik si Superman? Ni Kapitan

Kailan babalik si Superman?
Ni Kapitan
                Kung tatanungin ako kung ano ang pinakagusto kong nangyayari sa araw-araw ko siguro iyon ay sa tuwing naglalaro kami ni Papa ng ‘wrestling-wrestlingan’. Madalas akong natatalo ni Papa na kung hindi ako papagpag ng tatlong beses ay hindi nya ako bibitawan. Pero minsan natalo ko na si Papa, hinampas ko sya ng unan sa likod tapos pumasan ako at niyakap ang malapad niyang likura, hindi nakagalaw si Papa. “1, 2, 3 teng teng!!! You can’t see me!” malakas na sigaw ko. Knockout si Papa.sabi ni Mama baka daw napagod lang daw si Papa sa trabaho kaya sinuwerte akong mapatumba siya. Pero naniniwala akong malakas talaga ako, hindi pa lang ‘yon lumalabas ngayon.
                Lagi kong hinihintay ang pag-uwi ni Papa kasi inaabangan ko ang pasalubong na bitbit nya. Naalala ko minsan binilhan nya ako ng komiks, sa katunayan nandoon pa yon sa lalagyan ko ng laruan. Tuwing walang pasok si Papa sinasamahan nya naman akong magbisikleta paikot sa aming lugar. At madalas kaming manood ng tv lalo na yung tungkol sa mga superhero, sabi nya wag ko daw sasabihin sa iba na sya si Superman. Hindi ako makapaniwala na superhero si Papa. Paano kaya nangyari yon? Pero sa bagay, kaya pala nya ako natatalo sa wrestling ay dahil sa super strength niya. Masaya ako na may Papa kami ni Mama sa piling nya. Idol ko si Papa, gusto kong maging katulad nya ‘pag laki ko.
                Pero napansin kong dumadalas ang pagkawala ni Papa sa bahay lalo na kapag tumutunog ang cellphone nya, sabi nya kapag tumutunog daw ‘yon ay nangangahulugan na may nangangailangan ng tulong nyang rumesponde agad. Sa totoo lang gustung-gusto kong sumama kay Papa, gusto kong makita kung paano sya makipaglaban, gusto kong isama nya ako sa kanyang pakikipagsapalaran, sa kabila nang pagpupumilit ko ay ayaw pumayag ni Papa, maaari daw akong mapahamak at ayaw nyang magyari ‘yon. Kunsabagay, tama si Papa katulad doon sa napapanood ko ang kahinaan ng bida ay ang mahal nya sa buhay, na kahit gaano pa siya kalakas hindi nya kayang makitang nasasaktan ang mahal niya. Isang apir ang laging paalam sa akin ni Papa. Mataman kong inaabangan ang paglabas niya sa bahay pero ni kailanman ay hindi ko nasilayan ang pagpapalit niya ng anyo siguro sikretong malupit nya yon. Napanood ko sa balita na marami daw nangyayaring krimen at kaguluhan, hindi kaya iyon ang dahilan kung bakit halos hindi na kami nagkikita ni Papa sa mga nakaraang araw? Basta bilib ako kay Papa, hindi sya matatalo ng mga lakaban. Ako lang ang pwedeng tumalo sa kanya!
                Isang gabi, hinintay kong umuwi si Papa. Nangako kasi sya na magkakaroon daw kami ng rematch. Pinaghandaan ko ang laban namin, kumain ako ng maraming gulay sa utos na rin ni mama. Pero mukhang matatagalan si Papa sa pag-uwi, baka naduduwag si Papa na makabawi ako o kaya naman may isang asteroid  na pabagsak sa lupa at kailangan nya pigilan. Lumilipas ang gabi ba wala pa rin si Papa, sabi ni mama matulog na raw ako at masyadong malalim na ang gabi pero gusto kong hintayin si Papa. Darating siya! Alam kong darating siya… nakahiga akong naghihintay kay Papa, umasang marinig ang ingay ng kotse nya, hanggang unti-unting nagsara ang aking paningin… Nang biglang may tumunog sa may salas, pamilyar ang tunog na ‘yon, tama ‘yun nga ang tunog ‘pag may nangangailangan ng tulong ni Papa/Superman, kahit madilim agad kong tinungo at kinuha ang cellphone  ni Papa, pinindot ko ito at nabasa ko ang pangalang “Lea”. Sabi nya nagenjoy daw sya nanina at mahal nya raw si Papa.Nagulat ako nang anagaw sa akin ni Mama ang cellphone at hindi ko sya namalayan sa tabi ko, sinabihan nya uli ako na matulog na raw. Nangangatal ang tinig ni Mama, naramdaman ko rin ang panginginig ng buo nyang katawan at naaninag ko ang mala-kristal na luhang umaagos sa kanyang pisngi. Sa hindi ko malamang dahilan, niyakap ko si Mama nang mahigpit. Dahan-dahan kong nilisan ang kinatatayuan ni Mama, naglalaro pa rin sa isip ko kung sino si Lea. ‘Di kaya isa sya sa mga iniligtas ni Papa kanina? At katulad sa cartoons maraming humahanga at na-iin love sa mga superhero. Katulad din kaya yon ng pagmamahal ko kay Papa? Mahal ko si Papa kahit anong mangyari- superhero man siya o hindi.
            Kinabukasan, wala pa rin si Papa. Bakas ang kalungkutan sa mukha ni Mama, sabi nya baka hindi na raw bumalik si Papa. Hindi ko makuhang sumang-ayon kay Mama. Babalik si Papa! Sa limang taon kong puso, pinilit kong hanapan ng kasagutan ang aking mga tanong, pinilit kong pagkasyahin sa munti kong isip ang rason kung bakit kailangan lumayo ni Papa, pinilit kong maging malakas para kay Mama. Parang sa pelikula laging may Part two, alam kong darating din ang araw na babalik ang aking Superman at kapag dumating ang araw na ‘yon baka mas malakas na  rin ako katulad nya o baka mas malakas pa. ipagtatanggol ko din ang mga naaapi. Magiging mabuti rin akong superhero katulad niya. At kahit kailan hindi ko na hahayaang umiyak muli si Mama, aalam kong ayaw ni Papang umiiyak si mama. S’ya nga pala wala pang nakakaalam na si Papa si Superman kaya kung pwede atin-atin muna.
WAKAS

No comments:

Post a Comment